Pumunta sa nilalaman

Dekada 1940

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Sa itaas ng pamagat: mga pangyayari noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939–1945): Mula kaliwa pakanan: Mga sundalo sa isang LCVP landing craft na papalapit sa D-Day sa Dalampasigan ng Omaha; binisita ni Adolf Hitler ang Paris, matapos ng Labanan sa Pransya; naganap ang Holokausto habang isinasagawa ng Alemanyang Nazi ang sistematikong henosidyo na sinuportahan ng estado, kung saan humigit-kumulang anim na milyong Hudyo sa Europa ang pinatay; ang pag-atake ng sa base pandagat ng Estados Unidos sa Pearl Harbor ng Hapon ay nagpasok sa Estados Unidos sa digmaan; isang tagamasid ng Pulong ng Tagamasid ang nagmamasid sa kalangitan ng Londres noong Labanan sa Britanya at Ang Blitz; humantong ang paglikha ng Proyektong Manhattan Project sa sa mga pambobombang atomika sa Hiroshima at Nagasaki, ang unang paggamit ng mga sandatang nuklear, na pumatay ng mahigit isang-kapat na milyong tao at nagbunsod sa pagsuko ng Hapon;nilagdaan ni Mamoru Shigemitsu ang Instrumento ng Pagsuko sa ngalan ng pamahalaang Hapones sakay ng USS Missouri, na epektibong nagtapos sa digmaan.
Sa ibaba ng pamagat: mga pangyayari matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig: Mula kaliwa pakanan: ang Pagpapahaya ng Estado ng Israel noong 1948; isinagawa ang mga paglilitis sa Nuremberg kung saan nilitis ang mga pangunahing pinunong pampolitika, militar, at pang-ekonomiya ng natalong Alemanyang Nazi; matapos ang digmaan, ipinatupad ng Estados Unidos ang Planong Marshall na naglalayong muling itayo ang Kanlurang Europa; at ang ENIAC, ang kauna-unahang pangkalahatang elektronikong kompyuter sa mundo.
Milenyo: ika-2 milenyo
Dantaon:
Dekada:
Taon:

Ang dekada 1940 (binibigkas na "labinsiyam na apatnapu"; pinaikli bilang d. 1940 o dekada '40 na kadalasang binibigkas bilang dekada Trenta) ay isang dekada na nagsimula noong Enero 1, 1940, at nagtapos noong Disyembre 31, 1949.

Karamihan sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay naganap sa unang kalahati ng dekada, na nagkaroon ng malalim na epekto sa maraming bansa at mamamayan sa Europa, Asya, at iba pang panig ng mundo. Ang mga bunga ng digmaan ay nagpatuloy hanggang sa ikalawang kalahati ng dekada, kung saan ang Europa na pagod sa digmaan ay nahati sa magkaribal na larangan ng impluwensiya ng Kanluraning mundo at ng Unyong Sobyet, na nagbunsod sa pagsisimula ng Digmaang Malamig. Sa ilang antas, ang panloob at panlabas na tensyon sa panahong pagkatapos ng digmaan ay pinangasiwaan ng mga bagong institusyon, kabilang ang Mga Nagkakaisang Bansa, ang estadong nagtataguyod ng kapakanan, at ang sistemang Bretton Woods, na nagpadali sa paglawak ng ekonomiya pagkatapos ng digmaan na tumagal hanggang dekada 1970. Ang kalagayan ng mundo matapos ang digmaan ay nagpasigla rin sa dekolonisasyon at paglitaw ng mga bagong estado at pamahalaan, kung saan ang Indiya, Pakistan, Israel, Biyetnam, at iba pa ay nagdeklara ng kalayaan, bagaman kadalasan ay may kasamang pagdanak ng dugo. Nasaksihan din ng dekada ang mga unang yugto ng mga bagong teknolohiya (tulad ng mga kompyuter, lakas nukleyar, at makinang jet), na kadalasang unang umunlad kasabay ng pagsisikap sa digmaan at kalaunan ay pinahusay sa panahong pagkatapos nito.

Ang dekada 1940 sa Pilipinas ay nagsimula sa isang panahon ng sigla at pag-unlad bago ito sinalubong ng digmaan. Noong 1940–1941, ang Maynila ay isang masiglang sentrong pangkultura at pang-ekonomiya, na madalas tawaging "Perlas ng Silangan" dahil sa aktibong kalakalan, maunlad na edukasyon, at umuunlad na sining at pamumuhay urbano. Noong 1940, isinagawa ang mga susog sa Saligang Batas ng 1935 na nagpanumbalik ng Kongreso na may dalawang kapulungan at nagbigay-daan kay Pangulong Manuel L. Quezon na tumakbo muli para sa reeleksiyon. Sa gitna ng digmaan, si Quezon ay namatay sa pagkakatapon noong 1944, at siya ay hinalinhan ni Sergio Osmeña, na naging Pangulo ng Komonwelt at nagpatuloy sa pamahalaang Pilipino sa pagpapatapon. Kasama ang mga puwersang Alyado, bumalik si Osmeña sa Pilipinas sa huling yugto ng pagpapalaya ng bansa.

Pagbagsak ng Pilipinas
Martsa ng Kamatayan sa Bataan: Nagpapahingang mga sundalong Pilipino at Amerikano na bihag ng mga Hapon.
Martsa ng Kamatayan sa Bataan: Nagpapahingang mga sundalong Pilipino at Amerikano na bihag ng mga Hapon.
Labanan ng Corregidor: Mga bihag na Pilipino at Amerikano pagkatapos ng labanan
Labanan ng Corregidor: Mga bihag na Pilipino at Amerikano pagkatapos ng labanan.

Noong 1941–1942, sinakop ng mga Hapones ang Pilipinas, na sinundan ng Martsa ng Kamatayan sa Bataan (Abril 1942)[1] at ang Pagbagsak ng Corregidor (Mayo 1942),[2] na nagmarka ng ganap na pagbagsak ng organisadong depensa sa bansa. Sa ilalim ng pananakop, itinayo ng mga Hapones ang Ikalawang Republika ng Pilipinas noong 1943, sa pamumuno ni Jose P. Laurel bilang pangulo, na isang pamahalaang itinuturing na kolaborasyonista sa ilalim ng kontrol ng Hapon. Kasabay nito, lumakas ang mga kilusang gerilya, kabilang ang Hukbalahap (Huks), na nagsagawa ng tuloy-tuloy na lihim na pakikidigma laban sa mga mananakop.[3]

Pagpapalaya sa Pilipinas
Lumapag ni Douglas MacArthur kasama si Sergio Osmeña at iba pang opisyal ng militar sa Leyte at mamahayag noong Oktubre 20, 1944 para simulan ang pagpapalaya sa Pilipinas
Lumapag ni Douglas MacArthur kasama si Sergio Osmeña at iba pang opisyal ng militar sa Leyte at mamahayag noong Oktubre 20, 1944 para simulan ang pagpapalaya sa Pilipinas
Mga nakaligtas na Pilipino sa paglusob sa napapaderang bahagi ng lungsod ng Maynila, matapos silang mapalaya noong Pebrero 23, 1945.
Mga nakaligtas na Pilipino sa paglusob sa napapaderang bahagi ng lungsod ng Maynila, matapos silang mapalaya noong Pebrero 23, 1945.

Noong Oktubre 1944, bumalik si Heneral Douglas MacArthur sa Leyte kasama ang mga puwersang Alyado, na nagpasimula ng pagpapalaya sa bansa. Sa sumunod na taon, noong 1945, naganap ang Labanan sa Maynila, na nagdulot ng matinding pagkawasak sa kabisera na itinuturing na isa sa mga pinakanapinsalang lungsod noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[4] Sa pagitan ng 1942 at 1945, naranasan ng Pilipinas ang matinding hirap sa ilalim ng okupasyon, kasabay ng malawakang paglaban ng mga gerilya. Noong 1946, nakamit ng bansa ang ganap na kalayaan mula sa Estados Unidos at itinatag ang Ikatlong Republika sa pamumuno ni Manuel Roxas.

Ang Komperensyang Bretton Woods ay isang pagtitipon ng 730 delegado mula sa lahat ng 44 na kaalyadong bansa sa Otel ng Mount Washington sa Bretton Woods, New Hampshire, Estados Unidos, upang isaayos ang pandaigdigang sistemang monetaryo at pananalapi matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Idinaos ito mula Hulyo 1 hanggang 22, 1944. Dito itinatag ang International Bank for Reconstruction and Development (IBRD, o Pandaigdigang Bangko para sa Rekonstruksiyon at Kaunlaran) at ang International Monetary Fund (IMF, o Pondo ng Monetaryong Pandaigdig), at nilikha ang sistemang Bretton Woods.[5]

Bagaman pinangibabawan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang dekada 1940, maraming mahahalagang pelikula tungkol sa iba't ibang paksa ang nalikha sa panahong ito. Malaki ang naging papel ng Hollywood sa paggawa ng dose-dosenang klasikong pelikula noong dekada 1940, kabilang ang mga pelikulang may temang digmaan at ang ilan ay kabilang sa pinakamahusay sa lahat ng panahon. Nakaligtas ang sinehan sa Europa kahit na malinaw na naapektuhan ng digmaan, at marami pa ring de-kalidad na pelikula ang nalikha sa Reyno Unido, Pransya, Italya, Unyong Sobyet, at iba pang bahagi ng Europa. Nagpatuloy rin ang industriya ng pelikula sa Hapon, kung saan sina Akira Kurosawa at iba pang direktor ay nakalikha ng mahahalagang pelikula.

Ang mga tagagawang ng pelikula na Polako sa Gran Britanya ay gumawa ng kontra-Nazi na pelikulang may kulay na Calling Mr. Smith (1943), na tumatalakay sa mga krimen ng Nazi sa sinakop na Europa at sa propaganda nito.[6]

Ang Film Noir, isang estilo ng pelikula na pinagsasama ang mga dramang kriminal at madidilim na imahe, ay naging laganap noong dekada. Ang mga pelikulang tulad ng The Maltese Falcon at The Big Sleep ay itinuturing na klasiko at tumulong sa pagsikat ng mga alamat na artista tulad nina Humphrey Bogart at Ava Gardner. Malawak na ginaya ang ganitong genre matapos itong maitatag.

Sa Pransya noong panahon ng digmaan, ang obra maestrang Children of Paradise na idinirehe ni Marcel Carné (1945) ay kinunan sa Paris na sakop ng Nazi.[7][8][9] Sa Inglatera matapos ang digmaan, kabilang sa mga di-malilimutang pelikula ang Great Expectations (1946) at Oliver Twist (1948) ni David Lean, Odd Man Out (1947) at The Third Man (1949) ni Carol Reed, at ang mga pelikula nina Powell at Pressburger tulad ng A Matter of Life and Death (1946), Black Narcissus (1946), at The Red Shoes (1948). Ang Hamlet ni Laurence Olivier ang kauna-unahang hindi pelikulang Amerikano na nanalo ng Gawad Academy para sa Pinakamahusay na Pelikula, at kabilang din ang Kind Hearts and Coronets (1949) ni Robert Hamer. Sa Italya, ang neorealismong Italyano ng dekada 1940 ay nagbunga ng mga makabagbag-damdaming pelikula tulad ng Roma, città aperta (1945), Sciuscià (1946), Paisà (1946), La terra trema (1948), Bicycle Thieves (1948), at Bitter Rice (1949).

Sa sinehan ng Hapon, ang The 47 Ronin (1941) na idinirehe ni Kenji Mizoguchi ay isang dalawang bahaging pelikulang itim at puti. Ang The Men Who Tread on the Tiger's Tail (1945), at ang mga pelikulang Drunken Angel (1948) at Stray Dog (1949) ni Akira Kurosawa ay itinuturing na mahahalagang unang gawa na humantong sa kanyang mga obra maestra noong dekada 1950. Ang Drunken Angel (1948) ay nagsimula rin ng matagumpay na kolaborasyon nina Kurosawa at Toshiro Mifune na tumagal hanggang 1965.

Samantala, sa Pilipinas, ang bodabil ay nagbago dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bago sumiklab ang digmaan, umunlad ang bodabil bilang isang masiglang anyo ng tanghalang aliwan na malakas ang impluwensiya ng kulturang Amerikano, lalo na sa pamamagitan ng mga awit, sayaw, at komedyang panggagaya. Subalit nang ipagbawal ng mga Hapones ang mga pelikula at musikang Kanluranin, lubhang nagbago ang tanawin ng aliwan sa bansa. Sa pagkawala ng mga pelikulang Hollywood, muling naging pangunahing anyo ng pampublikong libangan ang bodabil at napuno ang mga tanghalan ng mga pagtatanghal na higit na umaasa sa malikhaing kakayahan at lokal na pagpapatawa ng mga Pilipino.

Ang inuman at restawran na Circa 1900 sa unang palapag ng Manila Grand Opera Hotel na dating kinatatayuan ng Manila Grand Opera House kung saan tinatanghal noong dekada 1940 ang bodabil.

Nagpatuloy ang mga pagtatanghal ng bodabil sa kabila ng sensura, at ang mga artista tulad nina Katy de la Cruz, Dely Atay-Atayan, at Bayani Casimiro ay nagbigay-aliw at pag-asa sa mga manonood. Nagsilbi rin ang bodabil bilang tahimik na pagpapahayag ng katatagan ng mga Pilipino sa panahon ng digmaan.[10] Nagsimula ang tinaguriang Hari ng Komedya na si Dolphy noong dekada '40 sa pagtatanghal sa bodabil.[11] Ang katambal at asawa in Dely na si Andoy Balunbalunan ay tumanggi magtanghal dahil galit siya sa mga Hapon. Namatay si Andoy dahil sa pagkainis sa mga Hapon.[12] Ang radyo naman noong panahon ng mga Hapon sa Pilipinas ay nakakainis sa panlasa ng mga Pilipino.[12] Bagaman nagtuturo ng Nihongo sa radyo, nagawang mapalakas ang musikang Tagalog at Filipino sa radyo.[12]

Sa mundo ng telebisyon sa Estados Unidos, unang pinahintulot ng FCC (Federal Communications Commision o Pederal na Komisyon ng Komunikasyon) ang komersyal na pagsasahimpapawid ng telebisyon noong Hulyo 1, 1941.[13] Samantala sa mundo ng musika, si Bing Crosby ang pinakamabentang musikerong pop noong dekada 1940. Siya ang nangungunang pigura ng istilong crooner at ang pinakakilalang musikero na nagbigay-kahulugan dito. Pagsapit ng dekada 1940, isa na siyang superstar sa larangan ng aliwan na bihasa sa lahat ng pangunahing midya ng panahong iyon, kabilang ang pelikula, radyo, at naitalang musika.

Dahil sa pagrarasyon dulot ng digmaan, naging mas praktikal ang moda noong panahong ito. Nagsimulang magsuot ang kababaihan ng mga ternong pormal na may tuwid na paldang hanggang tuhod at mga aksesorya. Nagkaroon ng kakulangan sa rayon, naylon, lana, balat, goma, metal (para sa mga butones at palamuti), at maging sa dami ng telang maaaring gamitin sa isang kasuotan.[14] Matapos bumagsak ang Pransya noong 1940, ang Hollywood ang halos nagdikta ng moda sa Estados Unidos, maliban sa ilang uso mula sa Londres noong 1944 at 1945. Nangibabaw ang konsepto ng pagiging praktikal kaysa sa porma. Nagbago rin ang mga tela dahil sa kakulangan ng mga inaangkat na materyales tulad ng seda at balahibo.[15] Namayani ang mga disenyong may bulaklak noong unang bahagi ng dekada, at sa kalagitnaan hanggang huling bahagi ay lumitaw ang tinatawag na "atomic prints" o mga heometrikong disenyo. Bilang tugon sa digmaan, naging uso ang mga temang makabayan at kulay tulad ng madilim na berde at khaki, habang unti-unting napalitan ng pantalon at buong takong ang mga bestida at tradisyonal na takong dahil sa kakulangan ng medyas at gasolina. Karaniwang katangian ng moda ang tuwid na palda, mga pleat (o tupi), parisukat na balikat, v-neck o mataas na kuwelyo, makitid na manggas, at mga kuwelyong sailor, mandarin, at naka-scallop.[16]

Ang populasyon ng mundo ay tumaas mula humigit-kumulang 2.25 bilyon hanggang 2.5 bilyon sa loob ng dekada, na may tinatayang 850 milyong kapanganakan at 600 milyong pagkamatay.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Surrender at Bataan Led to One of the Worst Atrocities in Modern Warfare". United Service Organizations (sa wikang Ingles). Nobyembre 14, 2015. Nakuha noong 2026-05-02.
  2. "The Fall of Corregidor". corregidor.org (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-02.
  3. Jose, F. Sionil (Nobyembre 4, 2019). "The 1940s remembered". Philstar.com. Nakuha noong 2026-05-02.
  4. "1945 Battle of Manila: The Intramuros Experience | Intramuros Administration" (sa wikang Ingles). 2026-01-01. Nakuha noong 2026-05-02.
  5. Markwell, Donald (2006). John Maynard Keynes and International Relations: Economic Paths to War and Peace (sa wikang Ingles). Oxford: Oxford University Press. ISBN 978-0-198-29236-4.
  6. "Calling Mr Smith". Centre Pompidou (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2021-02-21. Nakuha noong 2021-02-13.
  7. "Les Enfants du Paradis - Film (Movie) Plot and Review - Publications". www.filmreference.com (sa wikang Ingles).
  8. "Les Enfants du Paradis". www.eufs.org.uk (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2009-01-13. Gio MacDonald, Edinburgh University Film Society program notes, 1994–95
  9. "Quoted by Roger Ebert, Children of Paradise, Chicago Sun-Times, 6 January 2002 review of the Criterion DVD release" (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Setyembre 2012. Nakuha noong 27 Disyembre 2021.
  10. "War and Vaudeville". Victor Manibo (sa wikang Ingles). 2021-01-28. Nakuha noong 2026-05-03.
  11. Siazon, Rachelle (Hulyo 12, 2012). "Dolphy's early years in showbiz: From vaudeville to a certified movie star". ABS-CBN. Nakuha noong Mayo 3, 2026.
  12. 1 2 3 Antonio, Teo T. (2017-11-22). Bagay Bagay: Contemporary Philippine Poetry (sa wikang Ingles at Tagalog). Anvil Publishing, Inc. ISBN 978-971-27-3334-5.
  13. "The History of Television (or, How Did This Get So Big?)". www.cs.cornell.edu. Nakuha noong 2026-05-06.
  14. Goles, Kelly (2023-01-19). "What Not to Wear: Clothing Rationing During World War II | In Custodia Legis". The Library of Congress (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-04-06.
  15. "How Clothes Rationing Affected Fashion In The Second World War". Imperial War Museums (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-04-06.
  16. "1940's Fashion Trends" (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-07-18. Nakuha noong 2011-03-01.